PAKTAY kang bata ka.
Dumeklara na si Bise Presidente Jejomar Binay na kakandidato siyang PRESIDENTE sa 2016.
Paano ngayon yan?
Ibinisto na ang BARAHA.
Ikinatwiran ni Binay na ayaw niyang maging ipokrito o MAPAGKUNWARI kaya prinangka niya ang mga dumalo sa isang pulong.
Ipinagyabang agad niya na siya ay loyal sa kanyang partidong PDP-Laban.
Nagaganap ito kasabay ng isa ring ulat na ang kasong impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona ay isang “dry run” lamang o “buwelo” lamang sa isang mas maselang impeachment complaint na isusunod ng Liberal Party: Impeachment laban kay Binay.
Kumbaga sa duelo ng mga Cowboys sa Wild, Wild West, inunahan na ni Binay sa PAGBUNOT ng baril ang kanyang mga lihim na kaaway.
Prestoo, anumang klase ng kaso ang PASINGAWIN ng kanyang mga katunggali, ay tiyak na mabilis niya itong masasalag.
Talagang alisto si Rambotito!
Pero, may masama ring implikasyon ito.
Kasi’y kung maaga siyang nagdeklara tulad ni Sen. Manny Villar sa 2010 presidential derby ay baka MAUBUSAN siya ng bala.
Sa karera ng kabayo o mga siklista, nahihirapang umabot sa finish line ang MAAGANG rumiremate o nagbe-break away—hindi malayong MASUNOG siya o pupugin ng mga KALABAN kaya’t papasanin niya ang MATINDING PRESSURES sa kumpetisyon.
Pero ang deklarasyon ni Binay ay direktang HAHATI sa lideratura sa Malacanang na pininiwalaang kontrolado ni DOTC Sec. Mar Roxas—ang mortal na kaaway ng bise presidente sa politika.
Anu’t anuman, apektado ang ADMINISTRASYONG AQUINO—sa deklarasyon ng dating mayor ng Makati.
Hindi lang si Corona kalaban nila, maging si Rambotito na rin!
Yung ibang presidentiables, walang ibang gagawin kundi ang MANOOD MUNA—bago umakyat sa ibabaw ng lona.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Feb. 29, 2012 issue, UNEDITED. Cc: editorsdiary.blogspot.com/ bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745).
No comments:
Post a Comment