MASAMA ang impresyon ngayon ng HUDIKATURA bunga ng impeachment proceedings.
Lalong pumapangit ang larawan ng dispensasyon ng hustisya sa ulat na nakaumang na rin ang ikatlong impeachment case laban sa WALONG (8) mahistrado ng Korte Suprema upang isunod sa impeachment complaint laban kay Associate Justice Mariano del Castillo.
Sakaling maganap ito, 10 mahistrado ang isasalang sa impeachment proceedings nang sabay-sabay sa tatlong magkakahiwalay na kaso—sa IISANG MOTIBO—palabasing PALPAK ang Kataas-Taasang Hukuman ng bansa na ang repleksiyon ay ang kahinaan ng judicial system ng Pilipinas.
Sa ganyang pananaw, lilitaw na INUTIL ang JUDICIARY na itinatadhana ng Konstitusyon.
Pero, kung inutil ang HUDIKATURA, puwede bang magmayabang ang LEHISLATURA at EHEKUTIBO na sila ay MAY SILBI?
Sa ngayon, dahil sa impeachment TRIAL, wala nang panahon at kakayahan ang mga SENADOR na aksiyunan ang mga NAKABINBIN batas.
Ganyan din sa Kamara ng mga Representante, wala nang quorum pero uubusin pa rin ang ORAS sa impeachment proceedings laban kay Del Castillo at sa walo pang mahistrado.
Kung gayon, hindi lang ang HUDIKATURA ang INUTIL kundi maging ang LEHISLATURA ng bansa.
Malinaw ang talumpati sa impeachment trial, ang trabaho na ginagampanan ngayon ng mga senador—ay JUDICIAL FUNCTIONS, paano na ang orihinal at tunay na sinumpaan nilang TUNGKULIN na GUMAWA ng batas o “bilang law-making body” ng bansa?
Walang duda, inutil ang HUDIKATURA, INUTIL ang LEHISLATURA.
Ibig bang sabihin, ay nalalabi at TANGING MATINONG SANGAY na lamang sa 3-branches of government ay ang EHEKUTIBO?
May isang tanong: E, sino ba ang UTAK at orihinal na pinagmulan ng inisyatibang serye ng IMPEACHMENT?
May sumagot sa likuran: E, sino pa, di ba si PNOY?
Sino ngayon ang HINDI INUTIL?
Sino?
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Feb. 11, 2012 issue, unedited. CC.bistado.blogspot.com/ editorsdiary.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com)
No comments:
Post a Comment