BUMULAGA sa international press ang pahayag ni US Defense Secretary Leon Panetta.
Ibinunyag ni Paneta na pinaplano ng Israel na bombahin ang Iran upang iparalisado ang nuclear plant ditto.
Nababahala si Panetta sa ikinikilos ng Israel at mismo sa lohika ng mga sitwasyon.
Makakatotohanan ang takot ni Panetta hindi dahil sa aktuwal na preparasyon ng Israel at pagparoon at parito ng mga lider ng mga bansa kundi dahil sa LOHIKA ng pag-atake.
Ibig sabihin, pinag-aralang mabuti ng dating hepe ng Central Intelligence Agency (CIA) ang kanyang PRESS RELEASE bago ikinalat sa daigdig.
Ang maselan, ibinunyag ni Panetta na magaganap ang PAMBOBOMBA sa mga susunod na ilang buwan at tinukoy niya ang ABRIL at MAYO bilang petsa ng pagsalakay.
Maaaring nakokonsensiya si Panetta kaya’t ibinunyag niya ang plano at kanyang PERSONAL NA PANINIWALA.
Maaari ring nag-aantay sila ng reaksiyon ng buong daigdig –kaalyado man ng US o hindi.
Sa simpleng lohika, kailangang BOMBAHIN ng Israel ang Iran bago pa ito aktuwal na MAKABUO ng nuclear bomb. Naniniwala ang mga lider Israeli na kapag pinagtagal nila ang pag-atake at pambobomba ay LALO SILANG MAHIHIRAPAN na iparalisado ang planta nukleyar.
Paulit-ulit nang ibinababala kasi ni Israeli Defense Minister Ehud Barak na sakaling pumalpak ang oil embargo , wala nang ibang opsiyon kundi ang ATAKEHIN ang Teheran.
Maging si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ay nangangampanya na suportahan ang pagsalakay sa Iran kung saan nakopo niya ang go signal ng Saudi Arabia na karibal ng Iran sa liderato sa Middle East.
Sa aktuwal, tanging ang go signal na lamang ng US ang inaantay bago pakawalan ng Israel ang Jericho missile bomb at mga jet fighters patungong Teheran kung saan UMAARTE at nagkukunwari ang America na hindi sila ang PROMOTOR ng naturang plano ng pagsalakay.
Pero sakaling ibunyag at ituro ng Iran na ang Washington ang tunay na UTAK na plano pagsalakay sa Iran, hindi na aabot ang ABRIL at Mayo bago maranasan ang pagiging “IMPIYERNO NG GITNANG SILANGAN”.
Sa totoo lang, nasa bansa ang isa sa malaking war fleet ng US na nakadaong sa Manila Bay na indikasyon ng isang MANIOBRAHAN sa napipintong panibagong DIGMAAN.
Nakapagtatakang hindi nababahala ditto ang Malacanang dahil mas nauubos ang oras nila sa pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona at pagpapakalaboso kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Maaring hindi ABRIL o MAYO—ang magaganap na pagsalakay sapagkat inabiso ito, dahil ang lahat ng unang PUTOK sa giyera ay walang WARNING tulad nang bombahin ang PEARL HARBOR.
Element of surprise ang taktika : Anumang oras o araw mula ngayon—ay maaaring BOMBAHIN ng Israel ang Iran.
Ipagdasal nating huwag sanang magkatotoo ito, dahil mamamatay sa gutom ang maraming PINOY.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Feb. 04, 2012 issue, unedited. Cc: bistado.blogspot.com/ editorsdiary.blogspot.com/ bistadokamao.yahoo.com)
No comments:
Post a Comment