Saturday, February 18, 2012

BANK ACCOUNT: OPEN SECRET IN PHL

INUPAKAN ng dalawang dating US ambassadors sa Pilipinas na sina Francis Ricciardone at Kristie Kenny ang banking system ng bansa dahil umano sa pagiging sobrang strikto.
Nanghihimasok na naman ang mga Kano o nagsesepsep?
Paano magiging istrikto gayun ang isang bank record ay pinagpipiyestahan ngayon kung saan ang duwendeng “small lady” at mga multo ay nagagawang iwanan ang datos ng depositor sa tarangkahan o gate ng bakuran ng isang kongresista.
Sa totoo lang, ang lahat ng mga may bank account at lahat ng mga bank tellers o nagtatrabaho sa bangko ay makakapagpatunay na maluwag ang PROSESO sa bangko—at malayang nasisilip ang nilalaman ng bank accounts.
Maging ang star witness na si Clarissa Ocampo ay nagawang ibisto ang bank account ni “Jose Velarde” at itinurong si Pareng Erap ang nagbukas.
Alam ng mga Pinoy na ang ordinaryong bank teller ay magaan na maia-access ang bank statement ng sinumang depositor sa simpleng pagtipa ng account number sa computers.
Alam yan ng lahat.
Bukod ditto, ang mga bank statements ay buwanan o monthly na ipinapadala sa mga depositor gamit ang ordinaryong “courier” o mensahero lamang imbes na ipa-deliber ito sa mas awtorisadong “post office” gamit ang may seguridad na “registered mail” system.
Sa totoo lang, dahil ordinaryong mensahero lang ang nagdedeliber ng mga bank statements, puwede itong masilip, mapunit o mabuksan nang hindi nahahalata ng mga depositor.
Sa simpleng sistemang ito, paano magiging sobrang istrikto ang banking system ng Pilipinas?
Sa modernisasyon ng internet at mamisong “hacker”, walang maililihim ngayon ang mga bangko sa itinatagong salapi ng mga depositor.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Feb 19, 2012 issue, unedited. CC: bistado.blogspot.com/ editorsdiary.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745)

No comments: