Monday, February 20, 2012

IN HEAVEN THERE IS NO BEER

MASAMANG balita sa mga lasenggero’t lasenggera.
Itataas ang presyo ng Beer!
Nagpanting ang tenga ng mga ordinaryong mamamayan nang ipanukala mismo ng Department of Finance na itaas ang presyo ng beer upang makakolekta ng malaking buwis ang gobyerno.
Ang problema, kinumpirma mismo ni Asia Brewery chief finance officer Enrique Martinez , doble ang itataas na presyo ng beer na karaniwang kinokonsumo ng ordinaryong Pinoy kung maisasabatas ang House Bill No. 5727.
Tinatayang PAPALO sa 140 PERCENT ang dagdag sa buwis na ipapatong sa presyo ng kada bote ng beer particular ang POPULAR NA KLASE na SERBESA.
Pero, alam ba ninyo na taliwas sa 140 percent patong sa buwis sa SERBESA na paborito ng masa, kakarampot na 21 PERCENT lang ang itaas ng buwis sa mga SERBESANG PANG-MAYAMAN o ang mga IMPORTED BEER.
Ibig sabihin, pupuwersahing ISUPALPAL sa mga ordinaryong Pinoy ang TAX INCREASE sa serbesa, pero ang buwis para sa SERBESA ng mga mayayaman ay hindi naman gaanong pinalobo.
Isang paglabag ito sa “tax provision” na itinatadhana ng Konstitusyon kung saan, dapat ay PROGRESIBO o progressive taxation system ang IPAIIRAL, na ang ibig sabihin ay IPAPATAW ang buwis BATAY sa kakayahan ng TAX PAYERS na mabayaran ito.
Ibig sabihin, ipinagbabawal ng Konstitusyon ang SOBRANG PAGLOBO NG BUWIS—sa ANTAS na hindi ito KAKAYANIN ng tax payers.
Baliktad ang itinatadhana ng panukalang batas, sapagkat kung alin pa ang HANAY NG MAYAYAMAN na may “kakayahang magbayad ng malaking buwis” ay siya pang may MABABANG 21 PERCENT TAX INCREASE.
At ang HANAY ng mga mahihirap na MAKUKUBA sa pagbabayad ng malaking buwis ay siya pang PAPATAWAN ng 140 PERCENT TAX increase—na labag sa Konstitusyon.
Sakaling ipatupad ito, hindi malayong mabangkarote o malugi ang BEER INDUSTRY at ang resulta—ay mawawalan ng trabaho ang mga obrerong nakasandal ditto tulad ng mga factory workers, pahinante , ahente at drayber.
Dahil magsasarado, mawawala na rin ang TINATARGET ng dambuhalang buwis mula sa beer industry.
Kumbaga, dahil sa kasakiman na MAKORNER ang malaking bunga, PINALAKOL na lamang ang PUNO na pinagmumulan ng prutas.
Nabangkarote na ang kumpanya, nalugi ang gobyerno , naperhuwisyo pa si Juan.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Feb. 21, 2012 issue, UNEDITED. CC. bistado.blogspot.com/ editorsdiary.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745)

No comments: