NAGHAHALO na ang balat-sa-tinalupan kaugnay ng impeachment proceedings.
Pinanghimasukan na nang diretso ng Korte Suprema ang Senado sa paglalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagbusisi sa dollar accounts ni Chief Justice Renato Corona.
Inaakusahan ang kampo ni Corona ng double-standard dahil kapag pabor umano sa kanya ang ruling ng impeachment court tulad sa pagkatig na hindi maaring ipa-subpoena ang kanyang pamilya ay okey, alright sa kanya.
Pero, ngayong di pumabor sa kanya ang ruling na pagpapa-subpoena sa mga ehekutibo sa mga bangko ay agad itong nagtakbo sa Korte Suprema na naglabas naman agad ng TRO.
Kumbaga sa boxing, inilalarawan itong isang hometown decision.
Naniniwala ang mga kritiko ng punong mahistrado na isa lamang icing on the cake ang pinipigil na dollar accounts kung saan, maaari siya ma-convict sa Article 2 kaugnay ng mali-maling statements of assets, liabilities and network.
Pinakamabigay na ebidensiya ng prosekusyon ay ang mismong testimonya ni BIR chief Kim Henarez na tumukoy sa discrepancies o hindi nagtugmang datos sa kanyang SALN at tax returns.
Tila pinagtakluban nang langit at lupa si Corona nang ibisto ang kanyang mga peso accounts sa PSBank at tumanggi naman ang kanyang kampo na idepensa ito bagkus ay nagsabi lamang na antayin ang kanilang paliwanag ditto.
Pinakahuling bomba ng mga kritiko ni Corona ay ang isang desisyon mismo ng Korte Suprema kaugnay sa kaso ng isang maintenance personnel at sa isang alkalde ng Naga, Cebu na nagpasok sa trabaho sa naturang kawani ng local government na naparusahan dahil sa maling deklarasyon sa SALN.
Pero ang pinakamabigat, ay kung paano sasagutin ng kampo ni Corona ang hindi pagkakatugma ng kanyang idineklarang P3.5 milyon cash sa taong 2010 na taliwas sa P19.7 milyong ending balance sa PSBank at P12 milyon sa BPI sa naturang ding taon.
Sa ngayon, nag-uumpugan ang dalawang pangkat ng “people power”, isang kontra- Corona at isang pro-Corona.
Sa gitna ng matinding gitgitan sa KALSADA dahil sa “isang CORONA”, sino kaya ang magwagi sa isang baliktakang ang mapaparusahan ay ang mismong mga MAMAMAYAN?
Sa bandang huli, hindi kaya ang kalaban ng Republika na KOMUNISMO—ang umangkin ng KORONA?
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Feb. 12 , 2012 issue, unedited. Cc. bistado,blogspot.com/ editorsdiary.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com)
No comments:
Post a Comment