NAG-LEVEL-UP na ang Flora Vida online flower business ni Marian Rivera. Kung noon ay puro bulaklak ang sakop ng negosyong ito ni Marian, ngayon ay mayroon na ring mga kagamitan para sa bahay, kaya ito na ang Flora Vida Home.
Makakaorder sa Flora Vida Home ng mga furniture, punda ng unan, table runner, placemat, coaster, kurtina, at marami pang iba na si Marian mismo ang gumawa ng disenyo.
Matagal na kasing pangarap ni Marian na magkaroon ng negosyo na tungkol sa pag-aayos at pagpapaganda ng bahay at nitong mga nakaraang buwan lamang niya ito napagtuunan ng pansin at oras, lalo pa nga at laging nasa bahay ang aktres dahil sa pandemya.
Dinagsa na agad si Marian ng mga orders ng produkto ng Flora Vida Home, na karamihan ay mga regular costumers Din ng mga bulaklak ng Flora Vida.
Gawa sa mga imported na materyal mula sa Europe, ang mga furniture naman ay gawa mismo ng mga taga-Paete sa Laguna.
“Ito kasi iyong panahon nung nagta-travel ako sa ibang bansa. Dun ako nakapag-explore, kasi siyempre, kapag dito ka sa Manila, ang ginagawa natin, halos puro work-work, di ba? ‘Pag nakapunta ako sa ibang bansa, doon nag-spark ang interest ko, iyong mga fabric na sinasabi ko sa sarili ko sana balang araw, magkaroon ako ng ganito. Iyong mga fabric na iyong vintage na rustic feel na masabi mong timeless siya.”
Nais Din kasi ni Marian na matulungan ang mga manggagawa ng furniture sa Paete.
“Sa pagkakataong ito, sabi ko nga, hitting two birds in one stone ako. Gusto ko iyong fabric from Europe, tapos nilikha ng gawang Pinoy na pinagsama ko siya. So very happy ako sa kinalabasan dahil gawang Pinoy pa rin.”
Maaaring bisitahin ang website ng Flora Vida Home. Ini-launch ni Marian Rivera ang Flora Vida Home nitong Martes, December 8, araw ng Feast of the Immaculate Conception dahil isang Marian devotee ang aktres.
Sa negosyo muna magko-concentrate si Marian, dahil sa pandemya ay second priority muna niya ang pag-aartista.
Bukod sa Tadhana, na sa bahay nila ni Dingdong Dantes ang taping, hindi muna kasi gagawa ng teleserye si Marian.
"Dahil makakalabas lang ako pag sobrang ligtas na, alam mo na magiging maayos ang lahat. Kasi, ang hirap-hirap talaga. Siguro, kaligtasan muna. Kasi, sabi ko nga, pag ako ang nagkasakit, naku, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa kanila. Kasi, ako lahat ang nag-aasikaso sa bahay, lalo na sa mga anak ko.
“Unti-unti, tingnan natin. Kung maayos na, bakit hindi? Pero pag medyo tagilid pa ang mga pagkakataon at nangyayari sa labas, siguro sa bahay muna ako. Tutal pinapayagan naman ako ng GMA na gawin ang Tadhana sa loob ng bahay muna,” pahayag pa ni Marian.
(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)
No comments:
Post a Comment