Wednesday, March 14, 2012

PNP IN PERPLEXITY

TUMBA sa mga PARAK ang DALAWANG RAPE SUSPECTS sa Maynila.
Hindi ito MABUTING PANGYAYARI.
Isang “breakdown of law” ito.
Imbes kasi na MAGDUSA sa kulungan ang mga RAPIST, “tinulungan” pa nilang MAMAHINGA ito nang maaga.

-----$$$---
MARAMING isyu ang nakapaloob sa serye ng “SALVAGE” sa mga suspect na sa biglang TINGIN ay mabuti, pero sa MAS MATAAS na antas—ay isang KAHINAAN ito ng PULISYA, kawalang direksiyon, sintomas ng BARBARISMO, kawalan ng edukasyon, kawalan ng hustisya at sibilisasyon—at PAGHATOL sa isang suspek.
Malinaw na hindi “ALAM” ng mga pulis ang kanilang TRABAHO.

----$$$--
HINDI natin masisisi ang mga PULIS na pumatay at nakapatay sa mga SUSPEK—sapagkat sila ay BIKTIMA ng “MASAMANG ORYENTASYON” ng pulisya sa Pilipinas.
Ang “kababawang ito” ng pulisya—ay siya mismong UGAT ng kriminalidad.
Kung ang simpleng pilosopiya “na igalang” ang DUE PROCESS ay hindi maunawaan ng mga PULIS—ano ang kakayahan, karapatan, kapasidad na “magtrabaho” sila bilang PULIS?
Ordinaryong pulis lamang ang sangkot, pero kinukunsinte ito ng mga NAKATATAAS na opisyal na ang NAGPAPALALA at nagkukumpirma ng “BREAKDOWN” ng LAW AND ORDER sa Pilipinas.
Walang kaayusan ang PULISYA sa Pilipinas, hindi nila alam ang kanilang TUNGKULIN at mistulang PERA-PERA lang ang lahat.

-----$$$---
KUNG seryoso lang ang NAUUPO sa Malacanang, madaling matukoy na ang PULISYA sa Pilipinas ay “PERA-PERA” lang—sapagkat, nabubuhay sila hindi “sa pag-aayos ng katahimikan o “law and order”.
Imbes na PROTEKTOR sila ng karapatan ng ordinaryyong tao at hustisya, sila ay mga AKTUWAL na PROTEKTOR ng illegal na activities particular ang TALAMAK na sugal sa Kamaynilaan at iba pang lugar sa bansa.
Tingnan ninyo mismo ang Maynila, sangkatutak ang SUGAL, kaliwa’t kanan—dyan NABUBUHAY ang pulisya.
Kung ano ang NAGAGANAP sa Maynila, yan din mismo ang NAGAGANAP sa buong bansa.
Tingnan ninyo ang JUETENG sa Baguio City at Cordillera region, GARAPALAN ang operasyon ng isang ALYAS LUDING, pero ano ang ginagawa ng city, provincial at regional director ng PNP—nagbibigay ng PROTEKSIYON at nagkakamal ng WEEKLY TONGPATS.
Ang deklarasyon ni PNP Chief Nicanor Bartolome na all-out war sa JUETENG—ay PAMBOBOLA lang.
Maging ang kanyang ONE-STRIKE POLICY sa jueteng—ay isang KAHANGALAN sapagkat ang JUETENG ay talamak sa Region 1, Region 2 at Region 3—huwag na nating isama ang NCR—na saksi ang buong populasyon sa PROTECTION RACKET ng pambansang pulisya.

----$$$--
KUNG ang simpleng sugal ay pinagkakakitaan, anong KLASE ng katinuan ang maasahan natin sa PULISYA sa pagbibigay ng DUE PROCESS sa dispensasyon ng hustisya.
Ang madakdak na si DOJ Sec. Leila De Lima ay tulad din ni Bartolome, isang koponan sila ng mga BASKET-BOLERO—at BASKET-BOLERA.
Walang maasahang maayos na dispensasyon ng hustisya sa Pilipinas.
Walang pinakaepektibong taktika upang makaligtas sa kapahamakan kundi ang KANYA-KANYANG PROTEKSIYON sa kanya-kanyang buhay.
Kung ang TRABAHO o responsibilidad ng PULISYA—ay hindi magampanan nang maayos, ano ang tawag natin dyan?
Isang Republika ng “PERA-PERA” lang.
( BISTADO Column, Bulgar newspaper, March 15, 2012 issue, UNEDITED. Cc. editorsdiary.blogspot.com/ bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745).

No comments: