KINOKONTRA ng mga environmentalists ang mining exploration sa pagsasabing dapat na igalang ng mga dambuhalang kapitalista ang kalikasan at igalang din ang mga local government units na siyang tuwirang may hurisdiksiyon sa mga ito.
Sa pinakahuling ulat, idinemanda ng Municipal Tribal Council ng Tubay, Agusan del Norte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang SR Metals, Inc., isang large scale mining firm dahil sa paglabag sa Mining Act of 1995.
Hiniling ng mga katutubo kay DENR Sec. Ramon Paje na patigilin ang mining at quarrying operations sa Brgy. La Fraternidad, Tubay dahil nanganganib ang kaligtasan ng mga residente.
Kinukuwestiyun din ang ginawang pagsasarado sa Tubay national secondary coastal road kung saan ang nakikinabang ay ang naturang mining firm na pag-aari ni Edgar Erice, bise alkalde ng Kaloocan City.
Hindi rin “pinararaan” ng mining firm sa naturang isinaradong kalye ang mga residente at maging mga LGU executive sa hindi malamang dahilan.
Ibinunyag ng tribal council na nago-operate ang SRMI mula pa noong 2005 dahil kinukunsinte ito ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Kinondena rin ng mga local executives sa pamumuno ni Tubay Mayor Sadeka Garcia Tomaneng ang mapagwasak na aktibidad, hindi lamang ng SRMI kundi maging ng iba pang mining firms sa Surigao del Norte tulad ng Taganito Mining Corp.; Platinum Group Metals Corp.; at Claver Mining Corp.
Isinisisi sa mga naturang mining firms ang malalaking pagbaha at pagguho ng lupa sa Surigao at Agusan del Norte kung saan kumikita umano ang SRMI ng P4 bilyon kada taon pero hindi nagawang bayaran ang kaukulang buwis sa municipal at provincial government.
Pinaniniwalaang kinakalong ng Malacanang ang may-ari na si Erice na isa sa lider ng Liberal Party sa bansa bagaman, batay sa aerial survey ng Mines and Geoscience Bureau ay nagbunsod ng pagkasira ng kapaligiran ang mining activities at sanhi rin ng pollution sa lalawigan.
Kung paano at kung kailan ito mareresolba, walang malinaw na sagot.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Mar 06, 2012 issue, UNEDITED. Cc: editorsdiary.blogspot.com/ bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745)
No comments:
Post a Comment