Saturday, March 03, 2012

MINING: TORN BETWEEN TWO EVILS

NAGDEDEBATE ang mga mining industry leaders at mga environmentalist kaugnay kung ano ang ipaprayoridad: Bungkalin ang mga mineral deposits upang magkapera at umunlad ang bansa o panatiliin itong nakatengga upang maproteksiyunan ang Inang Kalikasan.
Nag-aaway ang mga lider na mga sosyal na pareho lang MAPAGKUNWARI at ipokrito’t ipokrita.
Yung mga nagbubunsod na dapat palayain na mabungkal ang MINAHAN ng ginto, bakal at iba pang mineral sa mga kabundukan ay mga SAKIM sa negosyo kung saan sila-silang ehekutibo lamang at kapitalista ang MAGKAKAMAL—pero hindi ang ordinaryong OBRERO.
Ang yayaman sa PAGMIMINA ay ang mga dati nang MAYAYAMAN, pero hindi kailan man ang ordinaryong mamamayan ng bansa.
Sa kabilang panig, ang mga lider ng environmentalist movement ay karaniwang nakabalatkayo at tinutustusan din ng mga FOREIGN INTEREST GROUP na naaagawan lamang ng OPORTUNIDAD na makapagbungkal din ng likas na yaman ng bansa.
Ibig sabihin, kinokontra nila ang kasalukuyang liderato o negosyanteng nakakorner ng KONTRATA—sapagkat hindi ang kanilang grupo ang NAPABORAN ng kasalukuyang administrasyon.
Kumbaga, delaying tactics sila gamit ang mga ENVIRONMENTALISTS upang sa pagpapalit ng administrasyon sa 2016—ay sila naman ang MAKAKORNER o makaagaw ng KONTRATA sa pagdedebelop ng mga minahan sa KABUNDUKAN ng Pilipinas.
Ibig sabihin, wala tayong TULAK-SIPAIN sa mga nag-aaway na pare-parehong lang SAKIM at SUWAPANG sa oportunidad sa pagnenegosyo.
Suriin ninyo kung ANONG PALAKAD sa negosyo mayroon ang DALAWANG magka-DEBATE—pareho lang silang UMAALIPIN sa mga obrerong hindi nabibigyan ng permanenteng trabaho at BENEPISYO sa paggawa.
Ipokrito’t ipokrita lamang ang mga iyan—parehong hindi dapat paniwalaan.
Sa madaling salita, wala tayong maaring piliin—sa dalawang magnanakaw o sinuman sa dalawang kampon ni Taning.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, Mar. 04, 2012 issue, UNEDITED. Cc. editosdiary.blogspot.com/ bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745)

No comments: