KAILANGANG gawin na nang todo ni Pangulong Aquino ang lahat ng kanyang gusto bago mag-Disyembre, 2012.
Bakit?
Sapagkat, pagsapit ng Enero, 2013—aandar na ang mahigpitang kampanyahan sa senatorial, congressional at local elections kung saan MABABAGO ang hilatsa o kartada ng BARAHA sa Senado, Kamara ng mga Representante at maging sa mga puwesto sa local government units (LGUs).
Hindi nakakatiyak si PNoy kung mananalo lahat o darami ang Liberal Party stalwarts sa Senado o mananatili ang control ng administration law makers sa Kamara kung saan nakapundasyon ang kanyang PODER.
Sakaling mabawasan kahit bahagya ang kanyang mga kaalyadong senador at kongresista, walang duda na hihina ang kanyang LIDERATO—lalo pa’t didikit na sa kasunod na taong 2014—girian sa presidential election.
Ang taong 2014—ay halos bisperas ng seryosong unofficial campaign period sa PAGKA-PRESIDENTE at pag-BISE PRESIDENTE sa taong 2015—isang taon bago ang aktuwal na 2016 PRESIDENTIAL DERBY.
Ibig sabihin, habang lumalapit ang 2013 at 2016—unti-unti mawawalan ng PODER at PUWERSA si PNoy kung saan ang mga SEPSEP at OPORTUNISTANG POLITIKO—ay unti-unting HAHAPAY at kakabilang-bakod sa SINUMANG MAAMOY na kasunod na MAUUPO sa Malacanang.
Bagaman, hindi pa maaaring sabihing isang “LAMEDUCK PRESIDENT” si PNoy sa ngayon sapagkat halos nasa kalagitnaan pa siya ng 6-YEAR TERM, dapat din niyang paghandaan ito .
Ano ang implikasyon nito?
Ngayon lamang siya may PINAKAMALAKING ALAS upang sibakin sa puwesto ang mga PINANINIWALAAN niyang SAGWIL sa kanyang TUWID NA DAAN, sapagkat sa susunod na taon, ay hindi na siya mabibiyayaan ng ENERHIYA na kanyang tinatamasa sa kasalukuyan.
Ibig sabihin, kapag nabigo siya na tanggalin sa puwesto si CJ Renato Corona, lalo siyang mahihirapang kalabanin ito sa susunod na taon, taliwas sa paniniwala ng iba na hindi nila TATANTANAN ang punong mahistrado.
Matapos ang resulta ng 2013 election, walang katiyakan kung mananatili pa rin ang control ni PNoy sa Kamara at kung magagawa pa niyang resbakan ang HUDIKATURA sa bisperas ng presidential derby sa 2016.
Ang lahat ng ito ay dapat suriin, pag-aralan at paghandaan dapat ni PNoy at ng kanyang mga AMUYONG.
(EDITORIAL, Bulgar Newspaper, March 11, 2012 issue, UNEDITED. Cc: editorsdiary.blogspot.com/ bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745).
No comments:
Post a Comment