BISTADO COLUMN, BULGAR NEWSPAPER (Jan. 23 issue)
SINASABING nakabalik na ang Liberal Party bilang NUMERO UNONG PARTIDO sa bansa.
Walang duda, natulungan ang LP sa pagwawagi ni PNOY.
-----$$$--
KUMBAGA naman sa showbiz war nina Nora Aunor at Vilma Santos ; at Susan Roces- Amalia Fuentes feud, mahahatak sa popularidad ng LP ang karibal na mortal na NACIONALISTA PARTY.
Sa ngayon, ang pangulo ng LP ay si DOTC Sec. Mar Roxas samantalang pangulo ng NP si Sen. Manny Villar.
Kung nabahiran ng “politika” ang impeachment trial kay CJ Renato Corona, marami ang nakakahuhula kung saan PAPANIG si Villar.
Kasi’y pag nasibak si Corona ay senyales ng MATIBAY na LP.
Ang panalo naman ni Corona ay MASAMANG PANGITAIN sa Liberal Party.
----$$$--
SA totoo lang, ang mga senador—ay BOBOTO hindi kung ano ang KAHIHINATNAN ni Corona o kahihinatnan ng hudikatura o bansa—kundi kung ano ang kahihinatnan ng MGA SENADOR—komporme sa “reaksiyon ng mga botante”.
Yan ang problema
Nakabatay ang HATOL ng ilang senador—partikular ang mga REELECTIONIST SA 2013—batay sa sasabihin ng “botante” kaysa sa ipinahihiwatig ng merito at ebidensiya.
Ito rin ang dahilan kung bakit hindi MAAWAT ang PROPAGANDA kaugnay sa ISYU.
----$$$--
MAGRE-REELECT din at kakandidatong SENADOR ang ilang congressman-prosecutors kaya’t kailangang MAGBABAD sa media upang kopyahin ang naging KAPALARAN ni Sen. Chiz Escudero na LUMUTANG nang tangkain na ma-IMPEACH si Ate Glo.
Isang mapait na katotohanan ito.
-----$$$--
DAHIL abalang-abala na ang LP at NP, hindi rin magkandaugaga ang PDP-LABAN ni Bise Presidente Jejomar Binay na walang duda na nagmamaniobra na para sa 2016 presidential election.
Ang KAPALARAN ni Binay ay nakasalalay sa RESULTA at PERFORMANCE ng PDP-Laban senatorial ticket sa 2013.
Sa ngayon, isa lang ang MALINAW na PRESIDENTIABLE—at ito ay si BINAY.
Pero, dapat niyang MAALALA ang MAAGANG PORMA at deklarasyon o PAHIWATIG ay nagbu-BUMERANG sa mismong agresibong kandidato.
Iyan kasi ang naging KAPALARAN mismo ng tinalo mismo ni Binay na si MAR ROXAS—sumobra sa propaganda at masyadong nagbabad sa media—hanggang sa “MASUNOG” ang kampanya.
Nagpapaalala lang naman.
-----$$$--
LUMABAS ito sa ulat na NATUNAW na nang tuluyan ang dati-rating mabrusko na LAKAS-CMD-KAMPI na naghatid sa Malacanang kina dating Presidente Fidel Ramos at Gloria Macapagal Arroyo.
Isang paalala rin sa LP at PDP-Laban, hindi lahat ng PANAHON—ay kayo ang KOKONTROL ng gobyerno.
Darating at darating ang PANAHON na kayo ay lilipas din.
------30---
No comments:
Post a Comment