EDITORIAL FOR TODAY (Bulgar newspaper, Enero 23, Lunes, 2012)
UMATRAS at naduwag ang mismong US Congress sa pagsusulong ng anti-piracy bill sa internet nang magsarado at magboykot ang malalaking WEB SITES na lumumpo sa daloy ng modernong komunikasyon sa buong daigdig.
Nais kasi ng US congress na mapenahan at idiskaril ang PAMIMIRATA o pagnanakaw ng INTELLECTUAL PROPERTY gamit ang download o paghigop ng impormasyon sa karagatan ng mga datos mula sa world wide web, pero pumalag ang mga web sites na magpapasan ng RESTRIKSIYON sa daloy ng komunikasyon.
Ito ay hindi isang biro bagkus ay isang hamon sa gobyerno at pribadong sector na suriin ang modernisasyon kaugnay ng daloy ng impormasyon at komunikasyon sa buong daigdig.
Maging ang China ay nahihirapan na sagkaan o i-censor ang mga datos na maaring makaapekto sa katatagan ng kanilang gobyerno kung saan maraming bansa sa Middle east ay nagsisibagsak dahil malayang naibubunyag ang sekreto at katiwalian ng mga lider.
Sa personal, isang mapait na pangitain din naman ang naranasan nina Jannelle Manahan at Katrina Halili nang ibuyangyang sa internet ang kani-kanilang sex video ng mga may hawak ng kopya kung saan pinagpiyestahan ito ng milyong milyong nakatunganga sa internet.
Sa ngayon, inosenteng biktima ng teknolohika ay bilyong kataong sabik na makatikim ng biyaya ng modernisasyon dahil ang kanilang PERSONAL na datus na ipinasok sa internet—ay PINAGKAKAKITAAN ng mga NEGOSYANTENG may control ng IT scheme.
Sa totoo lang, marami ring pamilya at relasyon ang nawasak bunga ng walang patumanggang pagbukas at pagkalat ng personal info na ipinasok sa mga web sites.
Sa ngayon, may ilang matatalinong tao ay hindi gumagamit ng mga popular social media network dahil alam nila na ito ay isang PAKANA at PATIBONG ng mga dambuhalang negosyante na NAGPAPASA sa impormasyon—na dapat ay iniingatan ng BAWAT isang nilalang.
Sa pagpasok ng pangalan sa internet, awtomatikong nagsu-SUICIDE ang MODERNONG TAO--dahil ang PRIBADONG BUHAY ay pagpiyestahan ng buong daigdig nang walang kalaban-laban ang bawat nilalang.
Pero ang mga hindi naglalagay ng PROFILE sa internet, ay siyang malalabing TAO—na naipepreserba ang personal niyang pagkatao kung saan pakaunti-nang-pakaunti at magiging ENDANGERED na rin sa pagdating ng panahon.
----30---
]
No comments:
Post a Comment