EDITORIAL for BULGAR NEWSPAPER NI KA AMBO
(June 17, 2011 issue)
SA gitna ng maalingasngas na awayan sa Spratlys, nananatili pa rin dapat na prayoridad ng bansa ang paglilinang ng mga tinatawag na energy sources mula sa kalikasan o ang tinatawag na renewable energy.
Nasapawan kasi ng mga ulat sa Spratlys at kaliwa’t kanang kriminalidad ang tahimik na paglulunsad ng National Renewable Energy Program (NREP).
Hindi kasi prayoridad ng media ang mga positibong ulat na walang anumang kontrobersiya o sensesyonal na epekto sa emosyon ng ordinaryong mamamayan.
Kahit papaano, dapat ay ibinabalanse pa rin ang mga ulat kung saan bibihirang isagawa ito ng mga newsroom o editorial desk kung saan nabibingit sa alanganin ang propesyon sa mass communication .
Sa gitna ng hindi maawat na paglobo ng singil sa konsumo ng elektrisidad, hindi pa rin prayoridad ng media ang ulat sa pagtatangka na linangin ang enerhiya mula sa kalikasan.
Dedma lang ang media sa pahayag ni Executive Secretary Jojo Ochoa na target ng renewable energy program na mapababa ang singil sa konsumo ng elektrisidad at mapaabot ang serbisyo ng kuryente sa mga liblib na pook.
Para sa kanila,hindi mahalaga na malaman ng ordinaryong Pinoy na dapat tutukan ang mga programang lilinang ng mga bagong pinagmumulan ng enerhiya kung saan hindi mawawasak o mapipinsala ang kapaligiran.
Hindi sila nababahala sa ulat na kakapusin ang bansa ng enerhiya sa susunod na dalawang dekada kaya’t kailangang mapolobo ang kapasidad na 5,400 megawatts na renewable energy noong 2010 tungo sa target na mas malaking kapasidad na 15, 300 megawatts pagsapit ng taong 2030.
Sa totoo lang, ang namumuong sigalot sa Spratlys, ay bunga ng pagtatangka ng mga bansa sa paligid nito na makadiskubre ng petrolyo na nanatiling numero unong pinagmumulan ng enerhiya sa buong daigdig.
Sakaling malinang ang renewable energy tulad sa wind energy sa Ilocos Norte o ang mismong paggamit ng alon sa karagatan sa dalampasigan ng Pilipinas at iba pang bansa, hindi na gaanong magiging mahigpit ang GIRIAN—sapagkat sasapat na ang kanya-kanyang pangangailangan sa MAS MALINIS NA ENERHIYA.
Ipagdasal nating maging matagumpay ang pagtatangka na mapaunlad ang programang pang-enerhiya upang ang away sa Spratlys ay maitutok hindi na sa oil exploration kundi maging isang kahali-halinang ALTERNATIBONG TIRAHAN ito ng mga susunod na henerasyon.
---30----
No comments:
Post a Comment