Tuesday, April 19, 2011

KRISTO BIKTIMA NG PEOPLE POWER

BISTADO DAILY COLUMN for BULGAR NEWSPAPER
(April 20 issue)



PABORITONG kwento ngayon ay tungkol sa buhay ni Hesukristo.
Ang Semana Santa kasi’y simpleng paggunita sa Buhay ng Kristo.
Nagsisimula ito sa Linggo de Ramos na araw ng Palaspas—pagsalubong kay Kristo nang pumasok sa Herusalem.
Nakasakay siya sa likod ng bisiro o turit o maliit na kabayo.
Kumbaga, dinaig niya si Manny Pacquiao, kasi binigyan siya ng “HERO’S WELCOME”.
Pero, sa totoo lang, higit ito sa HERO’S WELCOME—sapagkat, itinuring siyang “ANAK NG DIYOS” na dumalaw sa lupa.

-----$$$---
PERO, kahit marami siyang kapanalig o uma-IDOL sa kanya, o mismong PANATIKONG MAKA-KRISTO,marami rin ang tsismoso’t tsimosa, maraming inggetero’t inggitera.
Pero, higit na marami ay ang NAGSESELOS sa kanyang popularidad.
Kumbaga, isa siyang “banta” sa LIDERATO ng “may hawak ng poder” sa HERUSALEM.
Kumbaga, siya ay isang “tunay na oposisyon” sa KASALUKUYANG NOON na ADMINISTRASYON SA ISRAEL.
Isang banta siya sa “SEGURIDAD NG HARI NG HERUSALEM”.
Kung ngayon ito nagaganap, ituturing siyang “TERORISTA” ng isang mga MAY KONTROL NG GOBYERNO sa ISRAEL—papainan siya ng mga ebidensiya para makasuhan siya ng “REBELYON” o pambubuyo na “mag-aklas” ang ordinaryong mamamayan sa Israel nang mga panahong iyon.
Sa ganyang pananaw natin dapat tinitignan ang PANAHON NG KRISTO.
Masyadong popular si Kristo, siya ang ORIHINAL NA NAGBUNSOD ng “PEOPLE POWER” sapagkat kahit saan siya MAGTALUMPATI—dinudumog siya ng mga tao.

------$$$---
BUMILIB kay Kristo ang ordinaryong tao nang minsang magtipon-tipon at umabot sa mahigit 5,000 ang dumalo—walang pagkain, pero nabigyan niya ng LIBRENG TSIBOG—ang mga dumalo doon na karaniwan ay nais siyang Makita at magpagamot ng mga sakit.
Simpleng LIMANG ISDA at LIMANG TINAPAY—ay na-MADYIK niya at napagkasya sa mga dumalo.
Kumbaga, napabalita na LIBRE ang TSIBOG tuwing may PAMITING si Kristo at libre din ang GAMOT sa mga maysakit.
At tuwing bubuka ang kanyang BIBIG—paulit-ulit niyang sinasabi na siya “ang ANAK NG DIYOS”—kung saan marami ang DUMARAKILA at SUMUSUNOD sa kanyang yapak.
Maging ang “BATAS NG GOBYERNO” noon na “BAWAL MAGTRABAHO SA ARAW NG SABADO—ay SINUWAY niya”.
At yun ang mismong naging KASO niya—nilabag niya ang “BATAS NG TAO SA SABATH”.
Nagtrabaho kasi siya sa “araw na ang lahat ay dapat namamahinga, at ang ginawa niyang “trabaho” ay “nagpagaling siya ng maysakit”.
Sa punto ng batas, ay TALAGANG LUMABAG siya sa “batas ng tao”.
Pero, sa mga Kristiyano, wala siyang nilabag dahil ayon mismo kay Kristo—ANG “BATAS NG TAO” AY PARA SA MGA TAO LAMANG.
Siya ay “ANAK NG DIYOS na ang ibig sabihin ay hindi siya ORDINARYONG TAO”—at wala siyang nilabag—dahil hindi siya”anak ng tao, bagkus ay ANAK SIYA NG DIYOS”.
Ang problema, siya ay “anak ng Diyos” na nagkatawang tao—NASUNOD PA RIN ANG “BATAS NG TAO” kaysa sa batas ng Diyos: Sapagkat ipinako siya sa KRUS—at doon napatay.
Itinuring na siyang “JOKE” nang sabihin niyang siya ay HARI NG HUDYO—pinutungan siya ng TINIK NA KRUS at binigyan ng SETRO NG HARI—habang nililibak at pinagtatawanan sa gitna ng plataporma.

-----$$$---
SA KABILANG PANIG, dalawa ang “PEOPLE POWER” noon—tulad din ng nagaganap na “PEOPLE POWER” SA LIBYA—isang maka-Khadafi at isang maka-KANO.
Natalo ang”PEOPLE POWER” na maka-Kristo, dahil mas NANAIG noon ang PEOPLE POWER na anti-KRISTO.
Nang sumigaw ang GOBERNADOR sa harap ng PEOPLE POWER—sino ang gusto ninyong PALAYAIN—si KRISTO ba o ang criminal na si BARABAS?
Ano ang isinigaw ng mga nag-PEOPLE POWER noon?
Ano?
SI BARABAS po an gating palayain—si BARABAS! Si BARABAS
Ang pobreng si KRISTO—ibinigay sa mga tao, pinagpasan ng Krus at ipinako sa GOLGOTA.
Lihim lamang siyang nasuportahan ng kanyang “People Power” at nagsipagtago ang kanyang 12 disipulos.
Hindi lang nagtago, ITINATWA pa siyang kanyang “KANANG KAMAY” na si San Pedro—nang tatlong beses.
Ibinenta siya sa mga “intelligence agent” ng kanyang”treasurer” na si HUDAS nang 30 PIRASONG PILAK!!
Malungkot ang “buhay” ng Kristo sa “buhay niya bilang tao”, pero sa buhay niya bilang DIYOS—doon lamang siya MASAYA at sinasabing nagtagumpay.
Repleksiyon ito na ang PAGIGING TAO—ay KAKAMBAL ng paghihirap, pagtatraydor at pagsasakripisyo.
Walang saya sa lupa at sa katawag lupa—ang SAYA at sa BUHAY-ESPIRITWAL—na napakahirap ipaliwanag.
Maging si KRISTO, ang RABBI at GURO—ay nahirapang ipinaliwanag kung ano ang ESPIRITWALIDAD at kung ano ang kaugnayan nito sa PISIKAL NA BUHAY ng bawat nilalang.
Sana’y magbasa tayo ng BANAL NA KASULATAN sa panahon ng SEMANA SANTA—upang unti-unti nating maunawaan ang lahat nang nais iparating sa ating n gating DIYOS—na si HESUKRISTO.
Ang lahat ay may sapat na talino—at hindi tayo dapat MAKINIG—sa paliwanag ng iba, ililigaw lamang tayo ng mga nagpa-PASTOR-PARTORAN at nagpapa-PARI-PARIAN.
------30-----

No comments: