Wednesday, April 20, 2011

PNOY VS CRUZ: BIKTIMA NG MEDIA

EDITORIAL for BULGAR NEWSPAPER
(April 21, 2011 issue)


MUKHANG magkakainitan ang Simbahang Katoliko at si PNoy kaugnay ng Reproductive Health bill.
Kasi naman itong mga obispong walang magawa ay kinakalantari sa isyu ang pagiging matandang binata ng Punong Ehekutibo.
Tipong “suntok sa bayag” ang ginagawa ng mga lider-Simbahan para buskahin lamang si PNoy na lantarang pumapabor sa RH Bill na kinokontra naman ng mga pari at Obispo.
Walang kauuwian ang pang-aasar ni Bishop Oscar Cruz kay PNoy na pinapayuhan niyang huwag nang mag-asawa dahil sa simpleng datos na mas maraming above-50 years old na nabigo ang married life.
Nalimutan ng Obispo na simpleng estatistika lamang ito—pero kahit iyan pa ang pagbatayan, hindi namang 100 PORSIYENTO ang datos—bagkus ay mas malaki lamang ang tsansa.
Sa tingin natin, sinisira ng Bishop Cruz ang pagiging “Obispo at pari” dahil maaaring mahusgahan ng mga deboto na ang LAHAT NG OBISPO at PARI—ay may “MABABANG KLASE NG PAG-IISIP” imbes na ituring silang mabuting tagapayo.
Isang kahihiyan sa mga may suot ng ABITO si Cruz.
Dapat siyang humingi ng paumanhin kung hindi man siya dumaranas ng “pagiging ulyanen” para mapagpasensiyahan ng HIGIT NA MAY MALAWAK NA PANG-UNAWA na ordinaryong Pilipino.
Sa bagay, maaaring napaglaruan din si Bishop Cruz ng media—kung saan “ISINUPALPAL” sa kanyang bibig ang ganoong klase ng “pambubuska” upang may magamit na balita ang mga field reporter sa panahon ng SEMANA SANTA.
Kung magkagayon, parehong BIKTIMA si PNoy ay si Bishop Cruz ng “masamang klase ng pagkuha” ng mga ulat GAMIT ang mataktikang pagi-interbiyu.
Anu’t anuman, higit pa ring mas mainam ang MANAHIMIK at MAGNILAY-NILAY sa panahon ng mga BANAL NA ARAW—imbes na MAGDALDAL NANG MAGDALDAL nang walang kabuluhan.
----30------

No comments: