Biyahe ng Maguindanao massacre suspects sa crame diskaril
PINABULAANAN ng Korte Suprema kahapon ang napabalitang pagpayag nito na mailipat ang ilang pulis na sangkot sa Maguinadanao Massacre mula sa kanilang kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City patungong Camp Crame sa Quezon City.
Nilinaw ni Court Administrator Atty. Midas Marquez na walang ganoong klaseng kautusan ang SC bilang tugon sa pormal na kahilingan mula sa mga tanggapan nina Philippine National Police (PNP) Deputy Director General for Administration Jefferson Soriano at Justice Secretary Leila De Lima.
Sinabi pa ni Marquez na tanging ang Quezon City Regional Trial Court 221 lamang ang may hurisdiksyon sa kasong ito, kaya ito lamang ang maaaring magrekomenda kung ano ang nararapat na gawin sa mga akusadong pulis na sangkot sa Maguindanao Masaker.
Kamakailan ay napaulat na ilan sa mga pulis na tinuturong may kaugnayan sa nabanggit na masaker ay hina-harass at tinatakot ng pamilya Ampatuan na nakakulong din sa parehong kulungan sa Camp Bagong Diwa.
Sa kahilingang ipinadala ng tanggapan ni DOJ Secretary De Lima sa Supreme Court, nakasaad dito na may mga tangkang panunuhol sa mga detinidong pulis upang baguhin ng mga ito ang kanilang simumpaang salaysay na nag-uugnay sa pamilya Ampatuan sa nangyaring karumal-dumal na krimen.
Palpak na nursing schools dumadami
LUMOLOBO ang bilang ng mga palpak na nursing school sa buong bansa na siyang nagpapabagsak sa kalidad ng edukasyon kaya’t nararapat nang baguhin ang sistema sa ganitong larangan, ayon kay Sen. Edgardo Angara
Ayon kay Angara, chairman ng senate committee on education, umaabot lamang sa 77 mula sa 466 na eskuwelahan na nagtuturo ng nursing ang akredito ng pamahalaan na siyang lubhang nagpapabagsak sa kalidad ng mga estudyanteng nagtatapos dito.
“Kaya’t inatasan natin ang health panel ng Congressional Commission on Science, Technology and Engineering (COMSTE) na humanap ng pamamaraan upang maresolbahan ang problemang kinahaharap ng propesyon,” ayon kay Angara.
Natuklasan pa ni Angara sa ulat ng COMSTE na mula sa 189 nursing schools sa bansa noong 1998, lomobo ito sa 424 nitong 2006.
Iprinisinta naman ni Dr. Marilyn Lorenzo, isang propesor mula sa National Institutes of Health (NIH) kay Angara at sa mga miyembro ng COMSTE ang mga datos ng NLE passing rate mula 2005 hanggang 2009 na aniya’y patuloy sa pagsadsad. Mula 51.6% na pagbaba ay mas lalo pa itong bumagsak sa 40.7% passing rate.
Dahil dito, nanawagan si Angara sa kinauukulang ahensya ng gobyerno na tulungang buhayin at iangat ang kalidad ng nursing education sa bansa at aksyunan ang patuloy na pag-apaw sa bilang ng mga nursing graduate.
Problema sa PAL patuloy, travel agencies nalulugi
WALANG pagbabago sa schedule sa domestic at international flights ng Philippine Airlines (PAL) maliban sa ilang flights na kinasela kahapon ng umaga kung saan nagreklamo na rin ang mga travel agencies na nakakaranas na rin ng pagkalugi.
Sinabi ni Cielo Villaluna, spokesperson na PAL, kasama sa kanselado ang PR 135, 136 o biyaheng Manila-Bacolod-Manila; PR 181, 182 Manila-Cagayan de Oro-Manila at PR 147-148 Manila-Iloilo.
Ayon kay Villaluna, lahat ng mga apektadong pasahero ay pinagsabihan na ng PAL para maiwasan ang inconvenience sa paliparan.
Sa kabuuan, maari na umanong sabihin na pabalik na sa normal ang mga biyahe ng PAL matapos silang maglabas ng bagong flight schedule kamakalawa.
Samantala, wala pa ring natatanggap ang PAL na notice of strike mula naman sa grupo ng mga flight attendants na nagrereklamo rin tulad ng mga piloto.
Umalma na rin ang samahan ng mga travel at tour agencies sa epekto ng labor dispute sa pagitan ng Philippine Airlines at mga piloto nito.
Ayon kay Philippine Travel Agencies Association (PTAA) vice president John Paul Cabalza, nasa 30 percent na umano sa kita ng kanilang mga miyembro ang apektado sa mahigit isang linggo ng kanselasyon ng mga domestic flights ng flag carrier ng bansa.
Ipinaliwanag ni Cabalza, na karamihan sa kanilang mga miyembro ay naka-tie up sa PAL kaya lahat umano ng mga reservations at itinerary ng mga ito ay apektado kapag walang biyahe ang airline company.
First termer, partylist reps nakakorner ng komite sa Kamara
PARTIDO at interest ng bawat kongresista ang pinagbasehan ng liderato ng Kamara sa hatian ng may 59 committee chairmanship at 11 special committees.
Walo pang komite ang pinunan kahapon ng Kamara at kapuna-puna na dalawa sa naging chairmen ay pawang mga first termer samantalang sa kauna-unahang pagkakataon ay isang partylist Rep. ang itinalaga rin bilang chairman na pawang mga miembro ng Liberal party.
Naitalaga upang pamunuan ang Accounts Committee si An Waray partylist Rep. Florencio "Bem" Noel, may 42 miembro na mula sa kaalyado ng LP samantalang mula sa minorya ay sina Reps. Milagros Magsaysay (Zambales), Aurelio Gonzales (Pampanga), Elmer Panotes, Leopoldo Bataoil (Pangasinan), at Lani Revilla (Bacoor).
Bukod kay Iloilo Rep. Anthony Golez na nakatakdang pamunuan ang Health Committee na bagama't baguhan ay ginawang chairman ay naitalaga rin si Misamis Occidental Rep. Loreto Ocampos, dating chairman ng League of Provinces of the Philippines na itinalaga naman bilang chairman ng constitutional amendments committee.
Itinalaga rin bilang chairman si Leyte Rep. Sergio Apostol (banks and financial intermediaries), Cebu Rep. Benhur Salimbangon (aquaculture), Sorsogon Rep. Salvador Escudero (basic education), Coop-Natcco partylist Rep. Jose Ping-Ay (cooperatives development), Iligan City Rep. Vicente Belmonte (dangerous drugs), at Laguna Rep. Danilo Fernandez (ecology).
Sinabi ni House Majority Leader neptali Gonzales II na posibleng sa susunod na linggo pa matatapos ang reorganisasyon at pagtatalaga ng mga mamumuno at miyembro sa bawat komite sa kamara.
Pangalan ng politico, bawal ipaskil sa proyekto
MAHIGPIT na ipagbabawal na ang paglalagay ng pangalan ng sinumang politiko, halal man o itinalaga sa alinmang proyekto ng pamahalaan, nasyunal man o lokal, sakaling maisabatas ang panukala ni Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Senado.
Kahapon, inihain ni Escudero ang Senate Bill No. 2187 na naglalayong ideklarang labag sa batas o isang pagkilos kriminal, ang paglalagay ng pangalan sa alinmang proyekto ng gobyerno na kikilalanin sa pangalan ng sinumang opisyal ng pamahalaan o kahit sinong indibiduwal na may kinalaman sa sinumang opisyal.
Ayon kay Escudero, tradisyunal sa bansa na maglagay ng pangalan ang sinumang politiko sa alinmang proyekto o programa ng pamahalaan upang matiyak na mabibigyan sila (politiko) ng kredito sa n aturang pagkilos.
“Makikita mo na nakatatak ang pangalan ng mga pulitiko kahit sa mga pangunahing serbisyo tulad ng waiting shed, ambulansiya at kahit basurahan. Kailangan nang tapusin ito dahil buwis ng mamamayan ang ginamit dito. “it falsely give an inflated sense of accomplishment to of public officials to their constituency,” ayon kay Escudero.
Nakatakda sa panukala na papatawan ng pagkakakulong ng isang taon at mulang P100,000 hanggang P1 milyon o depende sa kabuuang halaga ng proeykto, ang sinumang lalabag sa batas.
Hindi kasali sa panukalang batas na ito ang proyekto na matutukoy o tutukuyin ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) alinsunod sa batas o ipinalabas na alituntunin o regulasyon.
Panlilibak kay Rep. Gloria sa Kongreso kinondena
KINONDENA ng liderato ng Kamara sa mga kongresista ang mga nanlilibak kasabay ng paghiling na tigilan na ang panghihiya kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo gamit ang privilege hour .
Binigyang diin kahapon ni Majority Leader Neptali Gonzales na bagama't may kalayaan ang isang kongresista na magsalita sa plenaryo lalo na sa privilege hour ay marapat pa rin aniyang paka-isipin ng lahat na ito hindi absolute ang kanilang freedom of expression.
Tinukoy pa ni Gonzales na meron silang sinusunod na rules na nagtatakda ng respeto para sa mga miembro ng Kongreso at ang kawalan ng paggalang sa kapwa ay pagbalewala na rin sa kalayaan sa pamamahayag.
Bukod pa aniya na si GMA ay hindi isang ordinaryong kongresista dahil dati itong presidente.
Una ng ipinatanggal ni Navotas Rep. Toby Tiangco sa official record ng Kamara ang mga unparliamentary remarks ni Akbayan Rep. Walden Bello sa kaniyang privilege speech noong Lunes.
Ipinaliwanag ni Tiangco na bagama't hindi siya kaalayado ni dating Pangulong Arroyo ay hindi pa rin aniya marapat na babuyin sa plenaryo ang isang dating Pangulo lalo pa't miembro rin ito ng Kamara.
Nakalalasong Turkish flour ipinrotesta sa World Expo
NILUSOB ng militanteng grupong People’s Movement Against Poverty (PMAP) upang tuligsain ang nakalalason at basurang Turkish flour sa pagbubukas ng World Food Expo 2010 sa SMX Center, Mall of Asia Complex sa Pasay City
Bagama’t may ilan sa hanay ng PMAP ang nasaktan, naipaabot naman nila sa pangunguna ni Ronald Lumbao ang kawalan nila ng tiwala sa resulta ng pagsusuri na isinagawa ng Food and Drug Administration (FDA) sa naturang harina, na nauna nang natuklasan na kontaminado ng nakaka-cancer na mycotoxin sa Journal of Food.
Ayon kay Lumbao, ginagamit ng mga Turkish traders at mga kasabwat nilang local importers ang WOFEX 2010 para ituro sa mga magtitinapay kung papaano ihahalo ang Turkish flour sa ibang harina para pagtakpan ang kawalan nito ng sustansya at mala-amag na lasa.
Idinagdag pa ni Lumbao na imposible ang sinasabi ng Turkish ambassador na pareho lang ang harinang kinakain nila sa Turkey at harinang ini-export sa Pilipinas dahil ayon sa hepe ng PMAP, ay $500 kada tonelada ang bentahan sa Turkey ng harina gayong sa Pilipinas ay $300/MT lang ang halaga nito.
No comments:
Post a Comment