Thursday, October 28, 2010

Comelec-NPO: Asyong aksaya sa balota

KINASTIGO ni dating senador Nene Pimentel ang Comelec dahil sa pahayag na may sumabotahe kaya’t pumalpak ang pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kabataan election.
Hiniling nito na magsagawa ang Comelec ng sarili nilang imbestigasyon at sakaling may mapatunayang nagkasala, dapat itong parusahan.
May kaugnayan ito sa nabalam na pagde-deliver ng mga balota at mismo rin sa naaksayang 300 reams ng papel kung saan nagdagdag pa ng P14.5 milyon ang Comelec bunga ng SPOILAGE na umabot sa FIVE (5) percent gayun ang pinahihintulutan lang ng batas ay one (1) o hanggang two (2) percent spoilage.
Malinaw na pag-aaksaya ng government resources ang ginawa ng National Printing Office (NPO) na pinamumunuan ni dating Col. Manuel Andaya.
Labag ito sa Code of Conduct and Ethical Standards para sa mga opisyal at miyembro ng gobyerno.
Sino ba ang dapat pumasan sa sobra-sobrang SPOILAGE, ang gobyerno ba o ang “printer”?
Nang dumami kasi ang “nasirang papel”, kinunsinte ng Comelec ang additional request na P14.5 milyong pondo gayun lampas ito sa “two percent only” spoilage rate.
Inaakusahan ng Comelec si Andaya ng “incompetence” pero dapat ay ipormal nila ang reklamo at kasuhan ito sa Ombudsman upang lumitaw ang katotohanan sa likod ng “sabotahe”.
Naniniwala si Pimentel na responsible si Andaya sa prinsipyo ng “command responsibility” bilang acting head ng NPO.
Lingid din sa kaalaman ng publiko, ipina-jobbed out o ipinatrabaho sa pribadong printing company na “Holy Family Printing” ang pagi-imprenta sa balota gayung wala itong SAPAT NA KARANASAN O TRACK RECORD SA BALLOT PRINTING.
Iyan ang dapat imbestigahan ng Comelec at maging ng Kongreso.
Pero, bago ito, dapat nang magbitiw si Andaya at sakaling ubod-nang-lakas niya sa TUWID NA DAAN ni PNoy—dapat ay ilipat na lamang siya sa puwesto na ANGKOP sa kanyang kakayahan o KUWALIPIKASYON.
Dapat bigyan ng pagkakataon din si Andaya na magpaliwanag at sakaling hindi niya ito magawa, aba’y dapat siyang hatulan sa kasong paglalakad nang PABALUKTOT sa tuwid na daan!!
------30--

No comments: