Wednesday, January 25, 2006

Kung Hei Fat Choy

26JANUARY2006


MAGSISIMULA ang Year of the Dog sa Chinese New Year sa Sunday at nais kong buksan ang blog na ito bilang pasimula ng pang-araw-araw na pagrere-record ng aking aktibidad, opinyon, emosyon at mga kabaliwan bilang isang editor.
Masarap balikan ang nagdaan kung paano nakapasok sa pamamahayag. Isa kasi akong youth leader noon bago pumasok sa government service--sa loob ng 14 taon, bago ako nagtangkang maging diyarista noong 1989.
At bago naging youth leader, nauubos ang panahon ko sa paglalaro ng chess, pag-aaral ng Holy Bible sa pamamagitan ng correspondent's school ng iba't ibang sekta sa Pilipinas at United States (mahigit 50 diploma) habang nag-aaral ng elementary, high school at kolehiyo. Sa kolehiyo, kumuha ako ng kursong Mechanical Engineering pero inilipat ko sa AB economics hanggang sa makuha akong government scholar sa Special Course na Human Development and Community Management na pinangasiwaan ng University of the Philippines (UP), Development Academy of the Philippines (DAP), Ministry of Human Settlements (MHS) at University of Life (UL) Foundation.
Sa panahon ng aking mahabang bakasyon sa pagbagsak ng Rehimeng Marcos, nagpatuloy ako sa araw-araw na pagbabasa ng Holy Bible gamit ang iba't ibang bersiyon at edisyon kasabay din ng pagsasaliksik sa larangan ng mistisismo o pseudoscience kung saan natuklasan kong--isang HIBLA lamang ng buhok ang kanilang pagitan.
Naglingkod akong chairman ng Kabataang Barangay (ngayon ay Sangguniang Kabataan), at municipal federation president (Balagtas, Bulacan), Municipal Councilor, Human Settlement Officer, KKK Livelihood Action Officer, at chairman ng Municipal Sports Development Council mula sa 1975 hanggang 1985. Bukod dito, nagsilbi akong Sr. Draftsman/ Artist; Tax Mapping Team leader sa Provincial Assessor's Office sa Provincial Government of Bulacan mula 1978 hanggang 1982 bago naging konsehal ng bayan mula 1982 hanggang 1985.
Hindi ko akalaing magamit ko ang lahat ng karanasang ito nang ako ay maging DIYARISTA noong 1989--at ito ang simula ng isang mahaba, masaya, kapaki-pakinabang, makabuluhan, kapana-panabik at makasaysayang eksena ng aking buhay na aking ihahandog sa mga blogista sa modernong panahon.
----30---

No comments: