Monday, June 12, 2006

Ugat sa diyaryo

INIHAHANDOG ko ang blog na ito sa mga mahihilig magsulat o mga nangangarap na magsulat sa pahayagan.

Layunin nito na mai-record ko nang sariwang-sariwa pa ang aking hilaw na pangarap na makapag-publish ng sariling dyaryo.

Mahigit 17 taon na ako sa larangan ng pamamahayag o dyornalismo mula nang mapasok bilang proofreader sa nasaradong DIYARYO FILIPINO, isang sister publication ng Philippine Daily GLOBE na inilalathala ni Mr. Ben Ramos, may-ari ng National Bookstore.
Kapwa nasarado na ang dalawang broad sheet newspaper. Nasusulat sa Tagalog o Filipino ang DF at all-English naman ang Globe.

Kasabay ng pagtatrabaho ko bilang regular proofreader, nagdo-double ako bilang provincial reporter o correspondent ng DF at GLOBE sa lalawigan ng Bulacan.
Magkasabay kong natutuhanan ang pasikot-sikot sa loob ng editorial desk at mismo sa pago-orbit orbit o pagkuha ng balita mula sa field. Noon pa man, maaaga na akong gumigising banding 6:00 am upang makapunta sa mga municipal police station at maghalungkat ng blotter; gayundin sa provincial headquarters noon ng Integrated National Police—pinagsanib na organisasyon noong ng AFP at PNP.
Siyempre, nakakasikuhan ko ang mga beteranong provincial reporters at mga editor, publisher, writer ng mga local community newspaper. Pumapasok ako banding 11:am hanggang 1:00pm sa opisina ng DF sa kanto ng Meralco Avenue at Shaw Blvd, sa Pasig City.
Bandang 1989-1992 ay wala pang gaanong gusali sa mismong Ortigas area. Nilalakad ko lang ang crossing hanggang sa tabi ng Kapitolyo ng Pasig, katabi ng opisina ng Nova Communications. Sa loog ng editorial desk, pinagbubutihan ko ang pagpo-proofred kasi’y nagagalit ang mga senior editors at columnist kapag may typo error ang kanilang artikulo kapag nalalathala sa diyaryo. Tulad sa pagtatrabaho ko noong sa gobyerno (1978-1982), maluwag ang supervisors sa Nova at madalas umabsent ang mga empleado. Pero hindi ko sila ginagaya , kasi’y interesado ako sa trabaho kung saan nakasama mo ang mga batikan at mahuhusay na manunulat tulad ni National Artist Virgilio Almario, Lamberto Antonio at Ariel Borlongan.
Si Pareng Ariel ang humimok sa akin at nagrekomenda na pumasok ako sa pagdadyaryo at ito raw ang angkop sa mga “pangarap ko”.Hunyo 24, 1989 ako nagsimula sa desk nang magkaroon ng bakante pero nauna rito ng ilang buwan ang pagsusulat ko bilang contributor-correspondent na ang unang artikulo ko ay tungkol sa “ANG KANGKONG” sa ilog ng Balagtas, Bulacan.
Mula sa puntong iyan ako nagsimula sa pamamahayag!
---30--